IBCTV13
www.ibctv13.com

Pinsala sa agrikultura bunsod ng El Niño, umabot na sa P5.56 bilyon – NDRRMC

107
Views

[post_view_count]

Dry crops. (File photo of PIA)

Umabot na sa P5,565,592,379 ang kabuuang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura ng epekto ng El Niño, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Lunes, Oktubre 5.

Batay sa latest situational report ng ahensya, may kabuuang 201,322 magsasaka at mangingisda ang apektado sa pitong rehiyon, habang tinatayang 223,497.72 ektarya ng lupang sakahan ang napinsala.

Pinakamalaki ang bilang ng mga apektado sa Region 2, na may 194,249 naapektuhang magsasaka at mangingisda.

Sinundan ito ng Region 11 na may 3,494, Region 9 na may 1,465, Region 5 na may 932, CARAGA na may 640, Region 12 na may 351, at CALABARZON na may 191.

Sa kabuuan, 106 lungsod at munisipalidad na ang isinailalim sa State of Calamity dahil sa nagsisimulang epekto ng matinding El Niño.

Mula sa bilang, 66 ay mula sa Region 2, 23 sa Caraga, 12 sa Region 5, apat sa CALABARZON, at isa sa Region 12.

Samantala, aabot na sa P39.06 milyong halaga ng tulong ang naipamahagi ng pamahalaan para sa 24,618 pamilyang apektado ng El Niño.

Matatandaang iniulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) noong Setyembre na inaasahang mararamdaman pa ang “Very Strong El Niño” sa pagitan ng Setyembre at Disyembre, at magpapatuloy hanggang sa unang kalahati ng 2027. – VC