IBCTV13
www.ibctv13.com

Pondo para sa socialized housing sa ilalim ng Expanded 4PH program, tumaas sa 173%

157
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr., along with DHSUD Secretary Jose Ramon Aliling, visited the Palayan City township project in Nueva Ecija, one of the first projects under the Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) program on April 23, 2026. (File photo of DHSUD)

Umabot sa 10,904 housing units ang napondohan ng Pag-IBIG Fund para sa socialized housing ngayong 2026, mas mataas ng 173% kumpara sa 3,987 units na naitala noong 2025.

Ang housing units ay sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Batay sa datos ng Pag-IBIG Fund, umabot sa P12.10 bilyon ang inilabas na pondo para sa socialized housing financing ngayong 2026, mula sa P4.45 bilyon noong nakaraang taon.

Dahil dito, tumaas din sa halos 16% ang kabuuang housing financing ng ahensya, mula sa 7% noong 2025.

Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary at Pag-IBIG Fund Chairperson Jose Ramon Aliling, ipinapakita ng paglago ang pagsisikap ng pamahalaan na palawakin ang access ng mga minimum wage earner at low-income worker sa abot-kayang pabahay.

“These results show how President Ferdinand R. Marcos Jr’s directive to expand access to decent and affordable housing is gaining ground. Patunay ito na sa Expanded 4PH Program, walang Pilipinong maiiwanan,” ani Aliling.

Sa ilalim ng programa, maaaring makakuha ang mga kwalipikadong miyembro na bibili ng socialized housing ng subsidized home loan interest rate na 3%.

Bukod dito, nag-aalok din ang Pag-IBIG Fund ng promotional interest rate na 4.5% para sa housing loan na hanggang P4.9 milyon at 5.75% para sa mga pautang na higit P4.9 milyon hanggang P10 milyon.

Layunin ng mga financing option na mapalawak ang kakayahan ng mga Pilipino na makabili ng sariling bahay, kabilang ang mga nasa open market.

“Hindi dapat maging hadlang ang kakulangan sa kakayahang pinansyal upang magkaroon ng sariling tahanan ang ating mga kababayan,” giit ni Aliling.

Sa kasalukuyan, pinalalawak ng Pag-IBIG Fund ang pakikpagtulungan nito sa malalaking property developer upang makilahok sa Expanded 4PH Program.

Inaasahang magbibigay ang mga partnership ng mas mas maraming pagpipiliang pabahay para sa mga manggagawang Pilipinong nagnanais na magkaroon ng sariling tahanan. – VC