IBCTV13
www.ibctv13.com

Proyekto sa transportasyon, AI, disaster resilience, at skills training, inaprubahan ni PBBM sa huling ED meeting

151
Views

[post_view_count]

President Ferdnand R. Marcos Jr. presided over the 10th Economy and Development (ED) Council meeting last Tuesday, July 7 at Malacañang. (Photo courtesy of PCO)

Sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., inaprubahan ng Economy and Development (ED) Council sa ika-10 na pagpupulong ang ilang mahahalagang proyekto na nakatuon sa pagpapabuti ng pampublikong transportasyon, pagpapalawak ng oportunidad sa trabaho, pagpapalakas ng sektor ng enerhiya, at pagpapatibay ng disaster resilience ng bansa.

Sa press briefing ngayong araw, Hulyo 8, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na kabilang sa mga inaprubahan ang proposed variation sa Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) South Extension Project upang maisagawa ang pansamantalang operasyon ng Common Station.

Saklaw nito ang pagkumpleto ng konstruksyon ng istasyon, pagtatayo ng viaduct, paglalagay ng railway systems, signaling, at integrasyon ng automatic fare collection system.

Inaprubahan din ng ED Council ang Project BEST (Boosting Employability in Strategic Technical and Vocational Education and Training Sectors), na naglalayong palawakin ang access sa high-quality, industry-responsive technical-vocational education and training (TVET) sa industriya ng bansa.

Kasama pa sa mga inaprubahang proyekto ang retrofitting project ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na sumasaklaw sa pagpapatayo ng 234 gusali ng mga paaralan at 36 na ospital, at ang P10.07-bilyong Philippine Geothermal Resource Derisking Facility ng Department of Energy (DOE), na naglalayong bawasan ang investment and exploration risks sa pagpapaunlad ng geothermal energy.

Pinagtibay naman sa pagpupulong ang Philippine Artificial Intelligence Infrastructure Master Plan 2026-2033 ng Department of Information and Communications Technology (DICT), isang roadmap na naglalayong itatag ang Pilipinas bilang isang regional hub para sa artificial intelligence infrastructure at technology innovation.

Ayon kay Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan, malaki ang maitutulong ng mga inaprubahang proyektong ito sa pagsusulong ng mga layunin sa ekonomiya ng bansa. – VC