IBCTV13
www.ibctv13.com

Sa Bagong Pilipinas, ang mga liblib na paaralan naaabot na ng internet connection; Pangako ni PBBM na walang batang maiiwan sa pagkamit ng de-kalidad na edukasyon, tinutukan ng DICT-DepEd

114
Views

[post_view_count]

President Marcos visited the Binuangan Elementary School in Obando, Bulacan to check the status of connectivity improvements in May 2026. (Photo courtesy of DepEd)

Sa loob ng mahabang panahon, naging hamon para sa maraming paaralan sa mga isla at liblib na komunidad ang kakulangan ng maaasahang internet connection, na siyang naglilimita sa access ng mga guro at mag-aaral sa makabagong paraan ng pagkatuto.

Sa kabila ng dedikasyon ng mga guro at determinasyon ng mga batang makapag-aral, nananatiling hadlang ang kawalan ng koneksyon upang ganap nilang mapakinabangan ang mga digital na kagamitan at makasabay sa mabilis na pagbabago ng sistema ng edukasyon.

Ito ang isa sa mga suliraning nais tugunan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaya pangunahing direktiba niya sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Education (DepEd), palawakin ang internet connectivity sa mga pampublikong paaralan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Matatandaan noong nakaraang Mayo, personal na nagtungo si Pangulong Marcos Jr. sa island school ng Binuangan Elementary School sa Obando, Bulacan upang inspeksyunin ang patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na dalhin ang digital connectivity maging sa mga lugar na dati’y mahirap marating.

Sa kanyang pagbisita, ikinatuwa ng Pangulo ang nadatnang maayos na internet connection sa paaralan, gayundin ang mga laptop at tablet na ginagamit ng mga guro at mag-aaral — mga kagamitang dati’y halos imposibleng maihatid sa mga islang komunidad.

Ayon kay DepEd Secretary Sonny Angara, layunin ng pamahalaan na matiyak na ang buong pondo ng kagawaran ay napakikinabangan ng lahat ng stakeholder sa sektor ng edukasyon. 

“Buong badyet ng DepEd napapakinabangan ng lahat ng stakeholders mula Batanes hanggang Tawi-Tawi,” ani Angara.

Hindi lamang sa Bulacan isinusulong ang pagpapalawak ng koneksyon. 

Sa Basilan, patuloy ang internet installation ng DICT sa mga pampublikong paaralan.

Ayon kay DICT Secretary Henry Aguda, sa 189 paaralang ipinagkatiwala ng DepEd sa kanilang ahensya, 172 na ang matagumpay na naikonekta sa internet — patunay ng patuloy na pag-usad ng digitization program ng pamahalaan sa sektor ng edukasyon.

Para sa administrasyong Marcos Jr., ang internet sa mga paaralan ay higit pa sa isang teknolohikal na serbisyo. 

Isa itong mahalagang tulay upang mapalapit ang kaalaman sa bawat silid-aralan at mabigyan ng pantay na pagkakataon ang mga batang Pilipino na matuto saan mang panig ng bansa.

Dahil dito, iginiit ng Pangulo ang kanyang layunin na matiyak na ang bawat estudyante at guro ay magkakaroon ng kinakailangang kagamitan upang higit pang mapabuti ang sistema ng pagtuturo at pagkatuto sa mga pampublikong paaralan.

“Magkaroon lahat ng estudyante, magkaroon lahat ng guro ng lahat ng kanilang kinakailangang equipment at para mas maging maganda at mas maayos ang sistema natin sa pagtuturo,” ani Pangulong Marcos Jr. 

Sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na koordinasyon ng DICT at DepEd, unti-unti nang naaabot ng internet connectivity ang mga paaralang matagal na napag-iwanan ng teknolohiya — isang hakbang na naglalayong gawing mas inklusibo at moderno ang edukasyon sa buong bansa.

Habang patuloy na pinalalawak ng pamahalaan ang digital infrastructure sa sektor ng edukasyon, nananatiling layunin ng administrasyong Marcos Jr. na tiyaking walang batang Pilipino ang maiiwan sa pag-abot ng dekalidad na edukasyon, anuman ang kanilang lokasyon o kalayuan sa sentro ng kaunlaran. – VC