
Pormal nang inilunsad ng Senado, katuwang ang Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC-13), ang Senate TV, isang high-definition television channel na magpapalabas ng mga pagdinig at iba pang gawain ng Mataas na Kapulungan.
Kasunod ito ng paglagda ng Senado at IBC-13 sa isang Memorandum of Understanding (MOU) ngayong araw, Oktubre 27, para sa paglulunsad ng bagong channel.
Mapapanood ang Senate TV sa IBC Digital TV Channel 13.3 sa mga lugar na sakop ng digital broadcast ng IBC-13.
Matatandaang nauna nang inilunsad ng IBC-13 ang Congress TV sa Channel 13.2 noong Oktubre 2024.
Sa unang yugto ng operasyon, ipapalabas ng Senate TV ang mga pagdinig, paglilitis, at iba pang aktibidad ng Senado.
Layunin nitong maipakita sa publiko ang mga talakayan at prosesong nagaganap sa Mataas na Kapulungan nang walang komentaryong maaaring makaapekto sa pag-unawa ng mga manonood.
Samantala, hindi lamang sa loob ng Session Hall iikot ang mga programa ng Senate TV.
Nakatakda rin nitong sundan ang mga senador sa kanilang mga aktibidad sa mga komunidad upang maipakita ang kanilang ugnayan sa mga ordinaryong Pilipino.
Sa ikalawang yugto ng operasyon, inaasahang magkakaroon ang Senate TV ng sarili nitong pangunahing newscast na magbubuod sa mga aktibidad ng Senado at ng mga senador.
Tatalakayin sa newscast ng Senate TV ang iba pang programang nakatuon sa mga partikular na paksa.
Ayon kay IBC-13 President at CEO Jimmie Policarpio, layunin ng Senate TV na makatulong sa paghahatid ng wasto at napapanahong impormasyon sa publiko.
Binigyang-diin din ni Policarpio na bagama’t kabilang ang IBC-13 sa Integrated State Media, nananatiling nakatuon ang organisasyon sa walang kinikilingang pagbabalita para sa kapakanan ng bansa.
“Although IBC-13 is part of the Integrated State Media, we remain wholly committed to non-partisan coverage of events, for the welfare of the Nation. We welcome Senate TV in fulfilling this mandate,” ani Policarpio.
Samantala, sinabi rin ni Senate President Sherwin Gatchalian na napapanahon ang paglulunsad ng Senate TV sa gitna ng mga kasalukuyang pangyayari sa bansa na nangangailangan ng malinaw na impormasyon upang makabuo ang publiko ng matalinong pag-unawa at paghatol.
Pansamantalang gagamitin ng Senate TV ang Channel 13.3, na dating ginagamit sa pagpapalabas ng DWAN 1206 AM.
Sa oras na mailunsad ng IBC-13 ang ikaapat nitong digital TV channel, ililipat doon ang DWAN o ang Radyo ng Bagong Pilipinas. – VC











