IBCTV13
www.ibctv13.com

Singapore Prime Minister, binati si PBBM sa pag-angat ng Pilipinas bilang Upper-Middle-Income Country

101
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. met with Singapore Prime Minister Lawrence Wong at the Istana yesterday, July 15, to reaffirm the enduring partnership between the Philippines and Singapore and advance cooperation across key sectors. (Photo courtesy of PCO)

Binati ni Singapore Prime Minister Lawrence Wong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pag-angat ng Pilipinas bilang isang upper-middle-income country (UMIC), na aniya’y patunay ng matatag na paglago ng ekonomiya ng bansa sa kabila ng mga pandaigdigang hamon.

Nakasama ng Pangulo si PM Wong sa Singapore nitong Miyerkules, Hulyo 15, bilang bahagi ng kanyang working visit sa naturang bansa mula Hulyo 14-16, upang higit pang palalimin ang bilateral na ugnayan ng dalawang bansa.

Sa press briefing ngayong araw, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na inilarawan ni Wong bilang “respectable growth” o matatag na pag-unlad ang bagong katayuan ng Pilipinas, sa kabila ng epekto ng kaguluhan sa Middle East sa pandaigdigang ekonomiya.

“Sa kanilang meeting, nagpaabot ng pagbati si Prime Minister Wong kay Pangulong Marcos Jr. sa pag-angat ng Pilipinas bilang upper-middle-income country. Ayon sa Prime Minister, maituturing na respectable growth o matatag na pag-unlad ng Pilipinas ang bagong katayuan sa kabila ng mga pagsubok dulot ng kaguluhan sa Middle East,” ani Castro.
Kamakailan ay iniulat ng World Bank sa pinakahuli nitong income assessment na naabot ng Pilipinas ang katayuang UMIC matapos umabot sa $4,850 ang gross national income (GNI) per capita ng bansa.

Lumampas ito sa itinakdang $4,636 na threshold para sa naturang income classification.

Nauna nang sinabi ng Pangulo na ang pagkamit ng naturang antas ay patunay na naging epektibo ang mga ipinatupad na polisiya ng administrasyon sa nakalipas na apat na taon.

Ayon sa Pangulo, nagsisilbi rin itong vote of confidence sa kinabukasan ng ekonomiya ng bansa at inaasahang magbibigay-daan sa mas maraming pamumuhunan, pagnenegosyo, paglikha ng de-kalidad na trabaho, at mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino.

Bukod sa ekonomiya, binati rin ni Wong ang Filipina tennis star na si Alex Eala kasunod ng makasaysayan nitong tagumpay sa 2026 Wimbledon Championships.

Ayon kay Castro, naniniwala ang punong ministro na may malaking posibilidad na si Eala ang maging kauna-unahang atleta mula sa Southeast Asia na makapagwagi ng Grand Slam singles title sa Wimbledon, pananaw na sinang-ayunan din ng Pangulo.

Matatandaan na tinalo ni Eala sa prestihiyosong tennis tournament ang defending champion na si Iga Swiatek ng Poland sa ikatlong round ng torneo sa iskor na 7-6(9), 6-2. – VC