
May bagong paraan ang mga kwalipikadong miyembro ng Social Security System (SSS) para makahiram ng pera para sa biglaang gastusin o dagdag na puhunan.
Inilunsad ng SSS ang SSS Micro Loan Program o SSS LoanLite, isang digital microloan facility na nagbibigay ng pautang mula P1,000 hanggang P20,000.
Layunin ng programa na magbigay ng mabilis, accessible, at abot-kayang short-term financial assistance sa mga miyembrong nangangailangan ng karagdagang pondo.
Ayon kay SSS President at CEO Robert Joseph de Claro, kailangan lamang ng isang miyembro ng hindi bababa sa 12 posted monthly contributions para maging kwalipikado.
Ang halaga ng maaaring hiramin ay nakadepende sa average ng Monthly Salary Credits (MSCs) ng miyembro sa nakalipas na 12 buwan.
Para sa mga miyembrong may hindi bababa sa 12 monthly contribution, katumbas ng 11% ng kanilang average MSC sa nakalipas na 12 buwan ang maaaring maging loanable amount.
“For example, if a member’s average MSC over the last 12 months is P20,000 but the member has only 12 total contributions, the loanable amount is P2,200 (11% of P20,000),” ani de Claro.
Samantala, mas mataas naman ang maaaring hiramin ng mga miyembrong may hindi bababa sa 36 kabuuang monthly contribution.
Maaari silang maging kwalipikado sa loan na hanggang P20,000 depende sa kanilang average MSC.
“Available repayment periods are 15, 30, 60, or 90 days, with an interest rate of 8% per annum, equivalent to approximately 0.67% per month,” ani de Claro.
Kailangang nasa edad 18 pataas at wala pang 65 sa pagtatapos ng loan term ang aplikante. Walang past-due na Short-Term Member Loan, aktibong SSS Micro Loan, at walang record ng fraud laban sa SSS.
Kailangan na ang aplikante ay may account na enrolled sa online facility ng isang participating financial institution (PFI).
Awtomatikong ibabawas ang bayad sa loan account kung saan unang na-credit ang loan proceeds, alinsunod sa napagkasunduang repayment schedule.
Maaaring muling umutang ang miyembro matapos niyang mabayaran nang buo ang kasalukuyang microloan at makumpirma ng PFI.
Sa kasalukuyan, available ang SSS LoanLite sa UnionDigital Bank mobile application.
Nakikipagtulungan naman na ang SSS sa Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC), Land Bank of the Philippines (LBP), at Union Bank of the Philippines (UBP) para maihatid ang LoanLite sa kani-kanilang digital platforms. – VC











