
Iniulat ng Social Security System (SSS) na umabot sa P204 bilyon ang pinagsama-samang kita nito mula sa dividends at pagbebenta ng mga stock simula noong 1968.
Kasunod ito ng mga ulat hinggil sa tinatawag na “paper losses,” o pansamantalang pagbaba ng market value ng isang investment na hindi pa naibebenta.
Paliwanag ng SSS, hindi nangangahulugan ng aktwal na pagkalugi ang paper losses dahil maaari pang tumaas ang halaga ng mga stock sa paglipas ng panahon.
Nagkakaroon lamang ng aktwal na pagkalugi kapag ibinenta ang isang investment sa presyong mas mababa kaysa sa halaga ng pagkakabili rito.
Kabilang sa mga pangunahing investment ng SSS ang PLDT Inc., na nagbigay sa ahensya ng P36 bilyong kita mula sa mga naibentang stock.
Nakapagtala rin ang SSS ng P3.7 bilyong kita mula sa investment nito sa Universal Robina Corporation (URC) at P9.7 bilyon naman mula sa Security Bank.
Ayon sa SSS, ipinakikita ng pinagsama-samang kita mula sa mga investment na ito ang halaga ng disiplinado at sari-saring estratehiya nito sa pamumuhunan.
“These investments have contributed to P204 billion in gains and income since 1968, underscoring the value of SSS’ disciplined approach to investing. Diversified, income-focused strategy,” ayon sa ahensya.
Binigyang-diin ng SSS na regular nitong sinusuri ang investment strategy nito at mahigpit na sumusunod sa Social Security Act of 2018 at sa mga patakaran sa pamamahala.
Buwan-buwan ding nagpupulong ang dalawang komite ng Social Security Commission upang subaybayan ang kita mula sa mga investment at ang mga panganib na maaaring makaapekto sa pondo.
Tiniyak naman ng SSS na nananatiling matatag ang pondo nito at may kakayahan itong tugunan ang mga obligasyon sa mga miyembro, pensyonado, at kanilang mga pamilya. – IP











