
Binabantayan ng Department of Energy (DOE) ang posibleng epekto ng El Niño sa suplay at demand ng kuryente sa bansa, bunsod ng inaasahang pagbaba ng produksyon ng hydropower at pagtaas ng konsumo ng kuryente dahil sa matinding init ng panahon.
Bilang paghahanda, in-activate na ng ahensya ang Task Force on Energy Resiliency upang matiyak ang kahandaan ng sektor ng enerhiya.
Ayon sa DOE, posibleng bumaba sa 60% ang produksyon ng hydropower dahil sa inaasahang kakulangan ng pag-ulan, na maaaring magpababa sa antas ng tubig na ginagamit sa paglikha ng kuryente.
Dahil dito, kumikilos na ang ahensya upang patatagin ang suplay ng kuryente sa Visayas, kung saan naitatala ang manipis na reserba ng kuryente.
Kabilang sa mga hakbang na pinag-aaralan ang paglalagay ng limang power barge sa rehiyon at pagkuha ng karagdagang mga planta ng kuryente upang makatulong sa pagbabalanse ng suplay at demand sa grid. (Ulat mula kay Jake Miculob) – VC











