
Nagpaabot ng pasasalamat ang TNVS Community Philippines (TCP) kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kasunod ng pagpapatupad ng dagdag-pamasahe para sa mga pampublikong transportasyon.
Sa opisyal na pahayag ng TCP, sinabi ng grupo na kinikilala nito ang hakbang ng administrasyon na tugunan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa mga driver at operator.
Ayon sa grupo, ipinapakita ng pag-apruba sa fare adjustment na pinakikinggan ng pamahalaan ang mga hinaing ng sektor.
Nagpasalamat din ang TCP kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Acting Chairman Atty. Greg G. Pua Jr. sa pakikipag-dayalogo at mabilis na pagkilos kaugnay ng usapin.
Binigyang-diin ng grupo na ang taas-pasahe ay hindi lamang dagdag na kita para sa mga driver at operator, kundi pagkilala rin sa halaga ng kanilang serbisyo sa publiko.
“Ito ay isang malaking pagkilala sa halaga at dignidad ng bawat TNVS driver at operator na araw-araw na nagsisikap upang makapaghatid ng ligtas, maaasahan, at de-kalidad na serbisyo sa pampublikong biyahe,” ayon sa TCP.
Nagpahayag din ng pasasalamat sa Pangulo ang Provincial Bus Operators Association of the Philippines, Southern Luzon Bus Operators Association, at Mega Manila Consortium.
Ayon sa mga bus operator, makatutulong ang hakbang upang maipagpatuloy ang operasyon ng ligtas at roadworthiness ng mga bus, mapanatili ang mga ruta, maprotektahan ang mga trabaho, at matiyak ang pagpapatuloy ng serbisyo sa mga komunidad.
“We are grateful that our situation was heard and considered, and we accept the decision with humility,” pahayag ng tatlong grupo.
Matatandaang inaprubahan ng DOTr noong Biyernes, Setyembre 25, ang rekumendasyon ng LTFRB na P1-2 dagdag sa pamasahe na una nang inaprubahan noong Marso ngunit pansamantalang sinuspinde.
Epektibo ang fare adjustment simula ngayong Lunes, Setyembre 28. – VC











