IBCTV13
www.ibctv13.com

Trabaho, pamumuhunan, mas matatag na suplay ng enerhiya, pasalubong ni PBBM mula Singapore

340
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos delivered his arrival statement following a fruitful 5-day working visit to Singapore. (Screengrab from RTVM)

Mas maraming oportunidad sa trabaho, pamumuhunan, at mas matatag na suplay ng enerhiya ang ilan sa mga benepisyong inaasahang maidudulot ng katatapos na working visit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Singapore noong Oktubre 7-11.

Sa kanyang unang araw sa Singapore, dumalo ang Pangulo sa 24th Forbes Global CEO Conference, kung saan inilahad niya sa halos 470 business leaders, chief executive officer, at policymaker ang mga hakbang ng pamahalaan upang mapalago ang ekonomiya ng Pilipinas.

Kabilang sa mga prayoridad ng administrasyon ang pagpapalawak ng export, pagpapadali ng pagnenegosyo sa pamamagitan ng mga reporma sa buwis at digital services, at pagsusulong ng malalaking proyektong pang-imprastraktura, kabilang ang $20-bilyong Luzon Economic Corridor.

Binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng pananaliksik, pagpapaunlad ng digital technology, paglaban sa korapsyon, at pagpapalakas ng ugnayang pang-ekonomiya sa ibang mga bansa upang lumikha ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipino.

Nagkaroon naman ng produktibong talakayan ang Pangulo para sa planong pagpapalawak ng operasyon sa Pilipinas ng mga kumpanyang FedEx, Mitsubishi Corporation, at Vena Energy.

Tinitingnan ng FedEx na palawakin ang Clark Gateway Hub sa Pampanga, na inaasahang magbubukas sa ikaapat na quarter ng 2028.

Sa oras na maging operational, inaasahang madaragdagan ang kapasidad ng pasilidad sa pagpapadala ng mga kargamento sa ibang bansa.

Makikinabang dito ang mga micro, small and medium enterprises (MSMEs) dahil mas mapapadali ang pagdadala ng kanilang mga produkto sa pandaigdigang pamilihan.

Sa pulong kasama ang Vena Energy, iginiit ng Pangulo ang pangangailangang tiyakin ang sapat na suplay ng enerhiya, paunlarin ang imprastraktura at teknolohiya, at ihanda ang mga manggagawang Pilipino sa mga kasanayang kailangan ng mga umuusbong na industriya.

“I am confident that the interest shown by investors in these engagements will bring more high-value investments, partnerships, technology and jobs to the Philippines, particularly in sectors that will support our long-term growth and transformation,” pahayag ng Pangulo sa kanyang arrival statement.

Bilang bahagi ng pagsisikap na ito, binisita ng lider ang Singapore Nuclear Research and Safety Institute upang alamin ang mga programa ng Singapore kaugnay sa nuclear research, partikular sa mga pamantayan at hakbang para matiyak ang kaligtasan nito.

Ayon sa Pangulo, patuloy na pag-aaralan ng pamahalaan ang mga posibleng mapagkukunan ng enerhiya upang matugunan ang pangmatagalang pangangailangan ng bansa at mapalakas ang seguridad sa suplay nito.

“To power our growth, we will keep studying all viable options for our long-term energy security and build the technical capability to make informed decisions for our future,” ani Pangulong Marcos Jr.

Ibinalita naman ng Pangulo na tinalakay nila ni Singapore Prime Minister Lawrence Wong ang pagpapatuloy ng mga prayoridad ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), habang naghahanda ang Pilipinas na ipasa sa Singapore ang pamumuno sa organisasyon sa susunod na buwan.

“As our term as ASEAN Chair draws to a close and we prepare to hand over to Singapore next month, these back-to-back engagements could not be more timely,” ani Pangulo. – VC