
Bumaba sa 5.3% ang unemployment rate sa Pilipinas noong Agosto mula sa 6% noong Hulyo, batay sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon sa PSA, nasa 2.77 milyon ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho noong Agosto, mas mababa sa 3.14 milyon na naitala noong Hulyo.
Kasabay nito, bahagya namang tumaas ang labor force participation rate sa 64% noong Agosto mula sa 63.6% noong Hulyo.
Katumbas ito ng 52.56 milyong Pilipinong edad 15 pataas na kabilang sa labor force.
Tumaas din ang employment rate sa 94.7% noong Agosto mula sa 94% noong Hulyo.
Umabot naman sa 5.90 milyon ang bilang ng mga manggagawang nais dagdagan ang kanilang oras ng trabaho, kumuha ng karagdagang trabaho, o lumipat sa trabahong may mas mahabang oras ng paggawa.
Katumbas ito ng 11.9% underemployment rate, mas mababa kumpara sa 12.9% naitala noong Hulyo.
Pinakamalaki naman ang bahagi ng sektor ng serbisyo sa kabuuang employment sa bansa, na bumubuo sa 61.7%, at sinundan ng mga sektor ng agrikultura at industriya.
Ayon kay National Statistician Dennis Mapa, inaasahang magpapatuloy ang pagbuti ng employment sa mga susunod na buwan dahil sa pagdami ng mga aktibidad habang papalapit ang holiday season.
“We should be expecting more or less the same, ganun talaga pag malapit na yung Christmas, marami tayong mga activities and nagkakaroon ng mga additional workers because we are seeing longer working hours, especially those in retail like malls and groceries,” ani Mapa. – VC











