IBCTV13
www.ibctv13.com

UPLIFT assistance ng pamahalaan, sisimulan nang ipamahagi sa susunod na linggo sa 7.5-M pamilya

73
Views

[post_view_count]

The Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 6, with the San Carlos City Social Welfare and Development Office personnel started distributing Walang Gutom Program food credit assistance to three barangays on June 14, 2025. (File photo of San Carlos LGU)

Nakatakdang simulan sa susunod na linggo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) assistance kung saan inaasahang makikinabang ang kabuuang 7.5 milyong pamilya sa buong bansa.

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, hahatiin sa tatlong kategorya ang mga benepisyaryo ng UPLIFT assistance upang matiyak na maaabot ang iba’t ibang sektor ng mahihirap, near-poor, at low-income na pamilya.

Ang unang grupo ay binubuo ng 3.5-M na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program (WGP).

“Ang total number ng household na makikinabang ay 7.5 million. May tatlong pangkat na binubuo. Ang una, binubuo ng 3.5 million na kabahayan na 4Ps beneficiaries at Walang Gutom beneficiaries,” ani Gatchalian.

Para sa mga benepisyaryo ng 4Ps, magbibigay ang DSWD ng one-time na P2,000 na ipapasok sa kanilang 4Ps-Landbank o GCash account habang isang manual payout ang isasagawa para sa mga benepisyaryo ng WGP sa itinakdang iskedyul ng food redemption.

Kabilang sa WGP ang tinatayang 750,000 food-poor households o mga pamilyang may pinakamababang antas ng kita at nahihirapang tugunan ang kanilang pangunahing pangangailangan sa pagkain.

Samantala, nasa ikalawang kategorya ang 2.5-M kabahayan na kinabibilangan ng mga mahihirap na hindi kwalipikado sa 4Ps dahil wala silang anak, gayundin ang mga kabilang sa kategoryang near-poor.

Ayon sa DSWD, ang near-poor ay ang mga pamilyang maaaring bumagsak sa ilalim ng poverty line kapag nakaranas ng isang kalamidad, krisis, o pagkakasakit ng miyembro ng pamilya.

Sila ay inaasahang makakatanggap ng P2,000 kada buwan simula Hulyo hanggang Disyembre 2026.

Tinukoy naman ang ikatlong kategorya bilang ang 1.5-M low-income households na nakatala sa database ng Social Security System (SSS) na tatanggap din ng buwanang P2,000 mula Hulyo-Disyembre, na direktang ipapasok sa kanilang nakatalagang disbursement account.

Inaasahan ng pamahalaan na makatutulong ang UPLIFT assistance upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, at mapalakas ang kakayahan ng mga pamilyang mababa ang kita na matugunan ang kanilang pangunahing pangangailangan. – VC