
Sa laban kontra kagutuman sa bansa, matagumpay na nakapaghatid ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng kabuuang 302,561 libreng masustansyang pagkain sa tulong ng Walang Gutom Kitchen (WGK) mula nang ilunsad ito noong 2024 hanggang sa unang kalahati ng 2026.
Matatandaang binuksan ng ahensya ang kauna-unahang WGK sa loob ng isang dating POGO hub sa Pasay City noong Disyembre 2024, na sinundan ng Visayas branch sa Cebu City noong Hunyo 22, at Mindanao branch sa Zamboanga City nitong Hunyo 29.
“Ang direktiba kasi ng ating Pangulo is humanap ng napakaraming mga pamamaraan para mawakasan natin ang kagutuman. From the Food Stamp Program, now to the Walang Gutom Kitchen, which we plan to open, by the way, nationwide sa iba’t ibang cities ng bansa natin,” ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian.
Sa tulong ng WGK, kabuuang 219,304 na ‘unique and returning clients’ ang naserbisyuhan na, at karamihan ay ‘families and individuals in street situations’ (FISS) at nakararanas ng involuntary hunger.
“Gusto nating tumulong at ibalik ang dignidad sa ating mga kababayan sa pamamagitan nitong mga kitchens natin,” pagbibigay-diin ni Gatchalian.
Nakatakdang magbukas pa ng 12 kusina ang DSWD sa iba’t ibang lungsod sa bansa.
Samantala, bago ang regional facility openings, nauna nang magbukas ng Gulay-on-the-Go initiative ang ahensya noong Mayo 14 sa pakikipagtulungan sa mga magsasaka, tindero’t tindera, at mga organisasyon para tiyakin ang sariwang mga gulay at bilihin.
Patuloy naman ang suporta ng mga komunidad sa WGK na may kabuuan nang 3,878 volunteers mula 2024 hanggang sa unang bahagi ng 2026, kung saan kinabibilangan ng mga sumusunod:
- 2,272 private sector representatives
- 472 non-government organization (NGO) members
- 451 individual advocates
- 283 schools from schools and universities
- 321 government personnel
- 79 civic group members
“Gusto ko na ding samantalahin ang pagkakataon to call for volunteers. All our kitchens accept donations and time—mga gusto mag-service crew, gustong tumulong sa service sequence—invited din kayo to donate your time with us,” paghihikayat ni Gatchalian. – VC











