IBCTV13
www.ibctv13.com

DA, target simulan ang pamamahagi ng fuel assistance sa mga mangingisda ngayong linggo

105
Views

[post_view_count]

Presidential Assistance for Farmers, Fishermen, and Families (PAFFF) beneficiaries in Negros Oriental. (File photo of Sipala LGU)

Target ng Department of Agriculture (DA) na simulan ngayong linggo ang pamamahagi ng fuel assistance para sa mga mangingisda bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan na maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa sektor ang agrikultura.

Bahagi ang programa ng P6.2 bilyong pondo ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT), na inilaan upang matulungan ang sektor na makayanan ang epekto ng global oil crisis at Super El Niño.

Samantala, isinasapinal na rin ng DA ang listahan ng mga benepisyaryong magsasaka na inaasahang sunod na makatatanggap ng assistance bago matapos ang Oktubre.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., kabilang sa mga prayoridad na benepisyaryo ang mga magsasaka at mangingisda sa mga lugar na naapektuhan ng Habagat, partikular sa Zambales, Tarlac, Pampanga at Bulacan, gayundin ang mga apektado ng tagtuyot sa Cagayan Valley.

Nakapaloob din sa UPLIFT package ang P2.2 bilyong fertilizer assistance, at P1 bilyong cash assistance sa ilalim ng Presidential Assistance for Farmers and Fisherfolk Program (PAFFP).

Habang may nakalaan naman na P1 bilyong fuel subsidy para sa mga agri-trucker na naghahatid ng mga produktong agrikultura.

Sa kasalukuyan, nakikipagkasundo pa ang DA sa mga toll provider para sa posibleng dagdag na assistance sa mga trucker na nagbibiyahe ng mga produktong agrikultural. 

Matatandaang iniulat ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) noong Setyembre na inaasahang lalakas ang El Nino bilang “Very Strong El Niño” sa pagitan ng Setyembre at Disyembre, at magpapatuloy hanggang sa unang kalahati ng 2027. – VC