
Iniuugnay ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ang malaking pag-angat ng Pilipinas sa pagbasa sa 2025 Programme for International Student Assessment (PISA) sa katatagan ng mga mag-aaral at mga patakarang itinulak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay Angara, ang 2025 PISA Report ay patunay na tama ang tinatahak na direksyon ng administrasyon sa pagpapatibay ng “foundational literacy” at “learner well-being.”
Batay sa Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD), nakapagtala ang Pilipinas ng tinatayang 38-point growth sa Reading sa loob ng 10 taon, pinakamabilis na pag-unlad na naitala ng isang bansa.
“These numbers reflect the grit of our learners, the dedication of our teachers, and the vision of President Bongbong Marcos who made foundational literacy and learner well-being a national priority,” ani Angara.
Sinabi ng kalihim na naging malaking bahagi ang pagtutok ng administrasyon sa mga pangunahing kasanayan, kabilang ang pagbabasa, pag-unawa, at critical thinking.
“When President Marcos instructed us to focus on the basics, it was a call to rebuild our education foundation brick by brick,” dagdag niya.
Sa kabila nito, sinabi ng kalihim na hindi natatapos sa magandang resulta sa PISA ang problema sa edukasyon.
“While we celebrate being named the global top improver in Reading, we view this not as a finish line, but as validation that our direction is working,” ani Angara.
Sa 2025 PISA, nakakuha ang Pilipinas ng average score na 367 sa Reading, 371 sa Mathematics, at 373 sa Science.
Upang mapanatili ang magandang performance, sinabi ng DepEd na patuloy na palalakasin ang mga programa para sa literacy, kabilang ang ARAL Program, pamamahagi ng storybooks sa Kindergarten hanggang Grade 3, pagtatayo ng Reading Nooks, at foundational literacy program sa Bayang Bumabasa.
“We still have a long way to go, but our learners have proven that given the right support, they can leap forward,” ani Angara. – VC











