IBCTV13
www.ibctv13.com

Pag-IBIG Fund SAFE Loan, nakapaglabas na ng P5.82-B sa higit 800,000 mga miyembro

Michael Peronce
154
Views

[post_view_count]

Pag-IBIG’s Special Assistance for Financial Emergencies (SAFE) Loan, which can be availed by members until September 8, 2026. (Photo Courtesy of Pag-IBIG)

Umabot na sa P5.82 bilyong halaga ang naipalabas ng Pag-IBIG Fund sa ilalim ng Special Assistance for Financial Emergencies (SAFE) Loan para sa kabuuang 803,769 na mga miyembro nito, batay sa sa pinakahuling datos nitong Miyerkules, Hulyo 22. 

Bahagi ang SAFE Loan sa patuloy na pagsisikap ng Pag-IBIG Fund na tugunan ang panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maghatid ng mga serbisyo ng pamahalaan sa pamamagitan ng abot-kayang tulong sa gitna ng hamong-pinansyal na dulot ng tensyon sa Middle East.

“Pag-IBIG Fund is providing ready and affordable financial assistance through the SAFE Loan, especially as the continuing tensions in the Middle East create financial challenges that are being felt by our members and their families,” saad ni DHSUD Secretary at Pag-IBIG Fund Board of Trustees Jose Ramon Aliling. 

Sa ilalim ng nasabing programa, maaaring humiram ang mga aktibong miyembro na may hindi bababa sa 12 buwanang hulog, nang hanggang P10,000 o hanggang 90% ng kanilang kabuuang Pag-IBIG Regular Savings alinman ang mas mababa. 

Para maging kwalipikado, wala rin dapat na obligasyon ang isang miyembro sa alinmang umiiral na Pag-IBIG Loan.

May hatid namang mababang interes ang nasabing pautang na may 5.95% rate kada taon, at maaaring bayaran ng 12, 24, o 36 na buwan na may kasamang tatlong buwang palugit bago ang simula ng buwanang pagbabayad para sa karagdagang financial relief ng mga miyembro. 

Maaaring mag-apply online ang mga interesadong miyembro sa pamamagitan ng Virtual Pag-IBIG, pagsagot sa SAFE Loan application at pag-upload ng larawan ng isang valid ID at selfie photo habang hawak ang kaparehong ID. 

Maaari ring magpasa ng aplikasyon sa alinmang Pag-IBIG Fund branch sa buong bansa. Direkta namang mapupunta ang loan proceeds sa Pag-IBIG Loyalty Card Plus ng miyembro o sa Landbank Cash Card.

Binigyang-diin ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marilene Acosta na ang malakas na pagtangkilik sa SAFE Loan ay sumasalamin sa patuloy na pagsisikap ng Pag-IBIG Fund na matulungan ang mga miyembro na tugunan ang kanilang mga agarang pangangailangan. 

“Pag-IBIG Fund is here to help our members in every way we can. In support of President Marcos’ call to provide aid to Filipino workers in need, we are providing ready and affordable financial assistance through the SAFE Loan. At the same time, we continue to help members achieve homeownership through housing loans offered at rates below market,” mensahe ni Acosta. 

Bukas ang pagsusumite ng aplikasyon para sa Pag-IBIG SAFE Loan hanggang sa  Setyembre 8. – IP