
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa Philippine Air Force (PAF) at sa nagpapatuloy na modernization efforts ng pwersa sa pagdiriwang ng ika-79 anibersaryo ng PAF sa Villamor Air Base, Pasay City ngayong araw, Hulyo 1.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na nananatiling matatag ang pangako ng administrasyon na palakasin ang kakayahan ng PAF upang epektibong magampanan ang mandato nito sa gitna ng lumalalang mga hamon sa seguridad.
“It is only fitting, therefore, that your government remains steadfast in supporting the Air Force as it fulfills its mandate. This is particularly important as modern challenges grow increasingly complex, requiring sustained investments in your capabilities so that you can perform your duties more safely and effectively,” ani Pangulo.
Sa ilalim ng PAF Modernization Program, napalakas na ang operational capabilities ng ahensya sa pamamagitan ng pagbili ng mga helicopter, aircraft, at mga surveillance radar system.
Tiniyak din ng Pangulo ang patuloy na paglalaan ng pamahalaan ng kinakailangang pondo, oportunidad, at iba pang suporta upang maisakatuparan ng PAF ang mga misyon nito nang may dangal at kahusayan.
Bukod sa modernisasyon ng mga kagamitan, binanggit din ng Pangulo na patuloy na mamumuhunan ang pamahalaan sa pagpapaunlad ng kakayahan ng PAF sa pamamagitan ng specialized intelligence training, advanced flight simulation programs, at pakikilahok sa mga pagsasanay kasama ang iba pang sangay ng militar at international counterparts.
Susuportahan din ng administrasyon ang mga programang nakatuon sa pangangalaga ng mental health at kabuuang kapakanan ng bawat Airman at Airwoman ng PAF.
Kasabay nito, muling ipinag-utos ng Pangulo sa pamunuan ng PAF na tiyakin ang airworthiness ng lahat ng aircraft nito at mahigpit na ipatupad ang mga itinakdang safety protocol sa lahat ng mission at training activities.
“Their safety must always remain paramount,” giit ng Pangulo.
Sa huli, hinimok ng Pangulo ang mga tauhan ng PAF na patuloy na isabuhay ang propesyunalismo, disiplina, at integridad sa kanilang hanay, at manatiling tapat sa kanilang tungkuling pangalagaan ang mamamayan at ipagtanggol ang mga demokratikong institusyon ng bansa. – VC











