
Sa bisa ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC), inaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte noong Marso 11 sa Ninoy Aquino International Airport para sa kasong “crimes against humanity” na may kaugnayan sa kanyang kampanya kontra droga mula 2016 hanggang 2022.
Ang warrant ay inilabas ng ICC Pre-Trial Chamber I noong Marso 7, 2025, pirmado ng mga hukom na sina Presiding Judge lulia Antoanella Motoc, Judge Reine Alapini-Gansou, at Judge Socorro Flores Liera.
Ang Pre-Trial Chamber I ay isang grupo ng mga hukom ng ICC na may tungkuling suriin kung may sapat na ebidensya para kasuhan ang isang taong inaakusahan ng malalaking krimen tulad ng genocide, crimes against humanity, at war crimes.
Ito ang nag-aapruba sa warrant of arrest at iba pang legal na utos upang matiyak na may matibay na batayan bago magsimula ang isang paglilitis. Layunin ng Pre-Trial Chamber I na tiyakin na patas at maayos ang proseso bago umusad ang kaso sa hukuman.
Judge lulia Antoanella Motoc (Romania)
Si Judge lulia Antoanella Motoc ay isang eksperto sa pandaigdigang batas at nagsilbi bilang judge sa European Court of Human Rights mula 2013 hanggang 2023. Dating nanilbihan bilang judge sa Constitutional Court of Romania, si Motoc ay nagturo rin ng European at international law sa University of Bucharest.
Bilang special rapporteur ng UN sa Democratic Republic of Congo, inimbestigahan niya ang kaso ng crimes against humanity at war crimes. Siya ang kasalukuyang presiding judge ng Pre-Trial Chamber I at humawak ng mga kaso gaya sa sitwasyon sa Palestine at Venezuela.

Judge Reine Alapini-Gansou (Benin)
Si Judge Reine Alapini-Gansou ay naging bahagi ng ICC simula 2018 at may malawak na karanasan sa pangangalaga ng karapatang pantao sa Africa. Dati siyang chairperson ng African Commission on Human and Peoples’ Rights at naging miyembro ng ilang commissions on human rights violations ng UN.
Isa siya sa mga hukom na lumagda sa arrest warrant laban kay Russian President Vladimir Putin noong 2023, kaugnay ng illegal deportation ng mga bata mula Ukraine.

Judge Socorro Flores Liera (Mexico)
Bago maging hukom ng ICC noong 2021, naglingkod si Judge Socorro Flores Liera bilang kinatawan ng Mexico sa United Nations sa Geneva. Dalubhasa siya sa international criminal law at isa sa mga nanguna sa negosasyon para sa Rome Statute, ang kasunduang nagtatag ng ICC.
Isa sa pinakamalaking kasong hinawakan ni Liera ay ang Avena case laban sa Estados Unidos, kung saan idinemanda ng Mexico ang US dahil sa paghatol sa kamatayan ng 54 na Mexicano nang hindi pinapayagang kumuha ng legal na tulong mula sa kanilang konsulado.

Ano’ng naghihintay kay former Pres. Duterte sa The Hauge?
Lumapag si Duterte sa Rotterdam Airport sa Netherlands bandang 11:56 p.m. (PH Time) nitong Miyerkules, Marso 12 kung saan siya inaasahang haharap sa ICC.
Ayon sa court, mananatili ang dating Pangulo sa ICC detention center na bahagi ng isang Dutch prison sa Scheveningen at dating naghawak ng mga kilalang bilanggo mula sa International Criminal Tribunal for the former Yugoslavia (ICTY).
Ang mga detainee ay may sariling selda na may kama, mesa, computer (walang internet), at may access sa outdoor activities at communal kitchen para sa kanilang pagkain.


Inaasahang magtatagal ng ilang buwan o taon bago magkaroon ng pinal na desisyon ang ICC sa kaso ni Duterte.
Nakatakdang isagawa ng ICC Pre-Trial Chamber ang isang initial appearance hearing kung saan ipapaalam sa akusado ang kanyang kaso at karapatan.
Susunod naman ang confirmation of charges hearing, kung saan kailangan patunayan ng ICC Prosecutor na may sapat na ebidensya upang ituloy ang paglilitis.
Ayon sa Human Rights Watch, ang matagumpay na pag-aresto kay dating Pangulong Duterte ay isang malinaw na mensahe na walang sinuman ang nasa ibabaw ng batas.
Sa inilabas naman na video statement ng ICC, sinabi ni ICC Prosecutor Karim A.A. Khan KC na isa itong mahalagang hakbang tungo sa paghahanap ng pananagutan kaugnay sa mga posibleng krimen na naganap sa Duterte drug war.
Bagama’t umatras na ang Pilipinas mula sa Rome Statute noong 2019, nananatiling may hurisdiksyon ang ICC sa mga krimeng nagawa habang ang bansa ay miyembro pa ng kasunduan.