IBCTV13
www.ibctv13.com

Very own Chinatowns ng Pilipinas, bisitahin ngayong Chinese New Year

Divine Paguntalan
190
Views

[post_view_count]

The Oldest Chinatown in the world – Binondo, Manila. (Photo by Avito Dalan, PNA)

Tuwing Chinese o Lunar New Year sa Pilipinas, hindi mo kailangang makipagsiksikan sa dagsa ng mga tao sa Binondo, Manila, o ang tinaguriang world’s oldest Chinatown.

Kung babalikan, noong 2012 lamang naging opisyal na public holiday ang Chinese New Year sa bansa ngunit siglo na kung ipagdiwang ng mga Tsinoy (Chinese-Pinoy) ang tradisyon sa loob ng mga Chinatown mula Luzon hanggang Mindanao.

Bagaman nakagawian ng karamihan ng mga Pilipino ang pagbisita sa Binondo kung saan babalik-balikan ang masasarap na Chinese food gayundin ang ilang decorations at accessories na pinaniniwalaang pampaswerte, may iba pang Chinatown sa bansa ang maaari mong dayuhin para makiisa sa selebrasyon ng kulturang Tsino.
 
Banawe, Quezon City Chinatown

Chinatown in Banawe, Quezon City. (Photo from QC Government)

Bukod sa pagiging kilala bilang “auto parts capital” ng bansa, ang Banawe sa Quezon City ay unti-unting nagiging sentro ng kulturang Tsino sa Metro Manila kung saan matatagpuan ang ilan sa pinakamahusay na Chinese restaurants.

Hindi rin nawawala sa selebrasyon ang makulay na parada, lion dance at dragon dance kung saan kahit hindi Tsinoy ay bukas sa lahat ng mga dumarayo sa lugar ang pagdiriwang.

Noong 2005, opisyal na kinilala ng konseho ng lungsod ang lugar bilang “Chinatown” at noong 2013, itinayo ang dalawang ‘paifang’ o ‘Arch of Friendship’ sa entrada ng Banawe Street mula sa Quezon Avenue bilang simbolo ng mga Pilipino at Chinese maging ng mga Tsinoy.

Chinatown in Banawe, Quezon City. (Photo from QC Government)

Cebu Chinatown

Chinatown in the downtown area of Cebu City. (Photo from Real Cebu/Facebook)

Mahalagang bahagi ng pag-unlad ng Cebu ang presensya ng mga Tsino lalo na sa aspeto ng kalakalan at kultura hanggang sa nadala na ito sa kasalukuyan.

Ang downtown area ng Cebu City, partikular sa Colon Street at mga karatig na lugar tulad ng Magallanes Street ay itinuturing na sentro ng komunidad ng mga Tsinoy sa lungsod.

Tuwing Chinese New Year, mas nagiging masigla ang mga kalsadang ito sa pamamagitan ng mga tradisyunal na aktibidad gaya ng dragon at lion dances, mga nagpapaputok at hile-hilerang handaan.

Ang ganitong paraan ng kanilang pagdiriwang ay hindi lamang nagpapakita ng mayamang kultura ng mga Tsinoy sa Cebu kun’di pati na rin ng kanilang patuloy na impluwensya sa buhay ng probinsiya.
 
Iloilo Chinatown

Chinatown in Iloilo. (Photo from Iloilo City Government)

Sa dako ng Iloilo City, kilala ang kanilang Chinatown bilang tahimik ngunit makulay partikular sa Iznart Street.

Dito matatagpuan ang mga lumang tindahan na nagbebenta ng traditional Chinese goods at mga restaurant na nag-aalok ng authentic Chinese cuisine.

Chinatown in Iloilo. (Photo from Iloilo City Government)

Hindi man kasing laki ng Binondo ay puno pa rin ng kasiyahan ang lugar tuwing Chinese New Year sa pamamagitan ng mga parada, cultural shows at iba pang aktibidad na nagpapakita ng mayamang kultura ng mga Tsinoy.
 
Davao: The biggest Chinatown in the country

Chinatown in Davao. (Photo from City Government of Davao)

Sa gitna ng magarbo at maingay na selebrasyon sa Binondo, Manila, hindi magpapahuli ang Davao Chinatown dahil kung Binondo ang pinakamatanda sa buong mundo, ang Davao naman ang pinakamalaking Chinatown sa Pilipinas dahil sa lawak na 44 ektarya na sakop ng apat na barangay.

Madali itong matatagpuan dahil sa mga makukulay na arko at may disenyong Chinese.

Opisyal na kinilala ang lugar bilang Davao Chinatown noong 2003 sa pamamagitan ng isang executive order.

Ang Davao Chinatown ay sentro na ng kalakalan, kultura at kasaysayan dahil matatagpuan dito ang iba’t ibang templo, restaurant, at mga tindahan na nag-aalok ng mga produkto mula China.

Selebrasyon ng pagkakaisa at kasaganaan

Maliban sa simbolo ng kulturang Tsino, ang mga Chinatown sa Pilipinas ay nagsisilbing pagkakaisa ng mga Pilipino at Tsinoy.

Sa tuwing sasapit ang Chinese New Year, buhay na buhay ang mga lugar na ito dahil sa pag-asa para sa masaganang taon.

Kaya kung sawa ka na sa Binondo, subukan mong bisitahin ang mga Chinatown sa iba pang lugar sa bansa dahil hindi lang tiyan ang mabubusog, pati na rin ang puso mula sa pagkamangha sa kultura at tradisyon na nakabalot sa Chinese New Year. – VC

Related Articles

Feature

Jerson Robles

624
Views

Feature

Jerson Robles

7439
Views

Feature

Divine Paguntalan

231
Views